(c) DA-Region II

Ipapamahagi na ng Department of Agriculture ang “seeds at fertilizer” subsidy sa mga magsasaka sa Cagayan Valley sa ilalim ng Rice Resiliency Project (RRP) na bahagi ng Plant, Plant, Plant Program kontra COVID-19.

Sa naturang programa, sinabi ni Regional Technical Director Roberto Busania ng DA-RO2 na P811.8 milyon ang inilaan sa rehiyon na ipatutupad sa ilalim ng tatlong sub-projects para sa distribusyon nito sa buwan ng Mayo.

Ito ay ang Enhanced Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), Expanded Inbred Rice Production (Beyond RCEF Areas), at Expanded Hybrid Rice Production.

Sa ilalim ng RCEF, nasa 182,854.5 hectares ang susuportahan ng DA ng inbred seeds at 20,000 hectares para sa Expanded RCEF, at may ibibigay din na libreng dalawang bags ng fertilizer sa bawat bibilhing dalawang bags ng fertilizer (buy 2 take 2).

Habang sa ilalim ng Expanded Hybrid Project ay susuportahan ng DA ng hybreed seeds ang nasa 69,508 hectares, na may kasamang tatlong bags ng libreng fertilizer sa bawat dalawang bags ng bibilhing fertilizer (buy 2 take 3).

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Busania na manggagaling ang masterlist sa City/Municipal Agriculture Office (MAO) para sa ibababang subsidiya sa mga kwalipikadong magsasaka at ieendorso ito sa DA-field office para sa isasagawang balidasyon, kasama ang Provincial Agriculture Office.

Matatandaang naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P8.5-bilyon para sa funding requirement ng intervention program ng DA sa buong bansa.

Ang naturang hakbang ay sa hangaring itaas ang sitwasyon ng mga magsasaka upang masiguro ang food security sa bansa sa gitna ng nararanasang krisis dahil sa COVID-19.