TUGUEGARAO CITY-Dismayado ang ilang magsasaka sa bayan ng Solana, Cagayan sa National Food Authority (NFA)sa di umano’y pagkakaroon ng palakasan sa pagbili ng palay ng ahensiya.
Sa isinagawang farmers’ forum sa Solana Gymnasium nitong araw ng Sabado kasama ang mahigit isang libong magsasaka, Local Government unit(LGU) sa Solana Gymnasium, iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno at simbahan, inihayag ni Brgy. Chairman Romel Ramces ng Brgy Lannig, Solana na nagkakaroon ng palakasan o slective buying ng palay ang ahensiya.
Ayon kay Ramces, sinabihan siya ng isa sa mga kawani ng ahensiya na puno na ang bodega ng NFA gayong bihira pa lamang ang nag-aani ng palay.
Ngunit nang muli siyang bumalik sa ahensiya para igiit na ibenta ang aning palay ng kanyang kapatid, kanyang nakita na ilang mga malalaking traders ang pinapayagan ng NFA na magbenta.
Nagbibigay di umano ng bayad ang mga malalaking traders sa ilang kawani ng ahensiya kung kaya’t binibili ang kanilang palay.
sinabi ni Ramces na dagdag pahirap lamang sa kanilang mga magsasaka ang hindi pantay na pagbili ng palay bukod pa sa implementasyon ng rice tarrification law.
Kaugnay nito, nanawagan si Ramces sa ahensiya ng patas na pagbili sa kanilang palay para hindi tuluyang malugi ang mga maliliit na magsasaka.
Samantala, pinayuhan naman ng NFA-Cagayan ang punong brgy na maghain ng reklamo kalapip ng ebidensiya para imbestigahan ng ahensiya.
Iginiit ni Julie Sto. Tomas ng NFA-Cagayan, hindi kukunsintihin ng ahensiya ang mga nagkasalang empleyado basta’t may kalakip na patunay sa naturang paratang.
Ayon kay Sto. Tomas, hindi tumatanggap ng reklamo ang kanilang ahensiya kung walang basehan.
Gumagawa na rin umano ng hakbang ang NFA-Cagayan para matulungan ang mga magsasaka sa pagkalugi dahil sa umano’y Rice Tarrification law.
Ayon kay Sto. Tomas, buwan pa ng Marso ay nagsimula nang bumili ng aning palay ang kanilang ahensiya.
Aniya, binibili na ng NFA ang mga aning palay kahit lagpas na sa required na buffer stock para sa kalamidad o emergency para matulungan ang mga magsasaka.