Tuguegarao City- Umaaray pa rin ngayon ang mga magsasaka dahil sa mababang presyo ng pagbili sa produktong palay sa bansa.
Sa panayam kay Cathy Estabillo ng Bantay Bigas Group, sa ginagawang pag-aaral ng kanilang grupo ay sobrang baba ng presyo ng palay kung saan ay naglalaro lamang ito sa P10-P12 kada kilo.
Inihalimbawa nito ang presyuhan ng palay sa bahagi ng Bicol Region na binibili lamang ang produkto ng mga magsasaka sa halagang P10.80-P11 ang kada kilo.
Ipinunto nito na sa sobrang taas ng production cost ng mga magsasaka ay luging lugi pa sila lalo na at panahon pa ng tag-ulan.
Ayon kay Estabillo na ito na ang epekto ng rice liberalization law na isinusulong na pamahalaan na nagreresulta ng pagkalugi ng mga magsasaka sa bansa.
Paliwanag niya, hindi rin kinakaya ng mga magsasaka ang hinihinging requirements ng National Food Authority sa pagbili ng palay na kailangan ng 14% moisture content, 100% clean at kailangang dalhin sa mismong warehouse.
Pahayag nito, kailangang tulungan ang mga magsasaka kung saan dapat magtalaga ang NFA ng mga staff na mismong magtutungo sa lugar ng mga magsasaka na bilhin ang kanilang produkto.
Sinabi niya na sa pamamagitan nito ay matutulungan pa ang mga magsasaka na mabawasan sa gastusin na bayaran ang mga aatasang tao at renta sa mga gagamiting sasakyan para bumiyahe.
Panawagan pa ng Bantay Bigas sa pamahalaan na bilhin ang produkto ng mga magsasaka sa halagang P20 kada kilo at magtalaga ng rolling store sa bawat komunidad na malapit kung saan maaaring dalhin ang mga ibebentang palay.
Binigyang diin pa niya na matagal ng naisabatas ang Rice Tarrification Law ngunit hanggang ngayon ay wala naman itong mabuting epekto at lalo lamang nahihirapan ang mga magsasaka ng bansa.
Idinagdag pa ni Estabillo na isa pang nakakaapekto at nakakapagpahirap sa mga magsasaka ay ang pagpapahintulot ng malawakang land use conversion.
Aniya, inaagaw at binibili ang mga lupain ng mga magsasaka na ginagamit at pinatatayuan ng iba’t-ibang gusali para sa pagnenegosyo.
Gayonman, nangangamba rin ang grupo sa maaring maging epekto ng pandemya na nagpapataas pa lalo sa kagutuman maging sa iba’t ibang bansa.
Kung sakaling magtutulouy-tuloy ito, maaaring mahirapan din ang pilipinas na mag-angkat ng supply ng bigas sa ibang mga bansa dahil mas uunahin ng mga supplier ang kanilang mga lugar.
Sa gitna ng patuloy na pag-aray ng mga magsasaka ay nanawagan ang Bantay Bigas na tugunan at pakinggan ang hinaing ng mga ito upang masulusyonan ang problemang dapat tugunan ng gobyerno.