TUGUEGARAO CITY- May mga pagbabago pa gagawin sa binalangkas na ordinansa na naglalayong patawan ng parusa ang mga magulang na pinapayagan ang kanilang mga anak na menor de edad na magmaneho.

Sinabi ni Councilor Maila Ting Que ng Tuguegarao City na natapos na nila ang committee hearing sa nasabing ordinansa.

Gayonman, sinabi niya na posibleng may idadagdag pa na probisyon sa nasabing panukalang ordinansa sa sandaling maisagawa na ang public consultation ukol dito.

Bukod dito, sinabi ni Que na titignan din nila ang katulad na ordinansa na isinulong sa Sangguniang Panlalawigan upang makagawa ng mga pagbabago na maiakma sa sitwasyon sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ni Que na hindi lamang mga magulang ang mapaparusahan dito kundi maging ang mga may-ari ng sasakyan na nagpahiram sa menor de edad opara imaneho.

Sinabi ni Que na isinulong nila ang nasabing ordinansa dahil sa kapansin-pansin na marami sa mga kabataan ang nagmamaneho lalo na ng motorsilklo gayong hindi pa sila maaaring bigyan ng driver’s license.

Madalas din umano na mga kabataan ang nasasangkot sa vehicular accident.