Inihayag ng Department of Trade and Industry o DTI na unti-unti ng nakakarekober ang mga maliliit na negosyante mula sa pagkalugi dahil sa epekto ng naranasang covid 19 pandemic sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sinabi ni Atty. Michael Paggabao, Provincial Director ng DTI sa Nueva Vizcaya na ito ay dahil sa suporta ng pamahalaang panlalawigan at national government agencies sa mga Micro Small & Medium Enterprises o msme’s para muling makabangon sa pagkalugmok dahil sa pandemya.
Ayon pa kay Paggabao, natutuwa ang PLGU at mga kaalyado nitong NGAs dahil hindi nasasayang ang mga tulong at serbisyong ibinibigay ng pamahalaan sa mga MSMEs na sumasali sa mga promotional trade fairs sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Ipinagmalaki ni Paggabao ang kinitang mahigit P11.8 million ng 50 MSMEs mula sa pagsali ng mga ito sa Nueva Vizcaya goes to Alabang Trade Fair sa Metro Manila noong nakaraang buwan.
Ang nasabing trade fair ay isang marketing initiative ng Nueva Vizcaya PLGU sa pamamagitan ng Provincial Cooperative Enterprise and Development Office, Provincial Tourism and Culture Office at nang DTI.
Dagdag pa nito na ang pagsali ng mga MSMEs sa Nueva Vizcaya goes to Alabang Trade Fair sa Metro Manila ay siyang naging daan upang muling maipakita ang mga de-kalidad na produkto ng mga Novo Vizcayanos kung saan umani ito ng mga orders at pagtangkilik ng mga maraming mamimili sa loob at labas ng bansa.