
Pinag-iingat ni Senate President Tito Sotto III ang mga mambabatas sa umano’y listahan na iniwan ng yumaong dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral kay Rep. Leandro Leviste hinggil sa mga proponent o mga nagsingit ng umano’y maanomalyang proyekto sa DPWH.
Natagpuan si Cabral kahapon na walang buhay malapit sa Bued River sa bahagi ng Kennon Road.
Ayon kay Sotto, dapat maging maingat sa paggamit ng naturang listahan dahil mahirap na itong mapatunayan: pahirap na kunin ang karagdagang impormasyon o magpatunay ng katotohanan kung ang pinanggalingan ng dokumento ay pumanaw na.
Aniya pa, bagaman wala pa’y kongkretong resulta mula sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Cabral, mabigat ang implikasyon dahil marami umano siyang nalalaman tungkol sa katiwalian, may iniwang impormasyon at dokumento, at may mga taong kanyang nakausap.
Ipinauubaya ni Sotto sa mga otoridad ang kompletong imbestigasyon sa pagkasawi ni Cabral, ngunit iginiit niyang mahalagang malaman ng Senado kung may ugnayan ang pagkamatay sa kasalukuyang iniimbestigang anomalya sa flood control projects.
Dagdag pa ni Sotto, hindi niya personal na nakausap si Cabral; aniya, may naunang mensahe raw si Cabral sa kanyang staff na nagtatanong kung nais maglagay ng proyekto sa budget—isang suhestyong tinanggihan nito.










