Inalerto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 ang lahat ng mga fish pond at fish cage owners na paigtingin ang kanilang monitoring laban sa fish kill kasabay ng nararanasang sobrang init ng panahon.
Ito ay kasunod ng naiulat na fish kill o pagkamatay ng mga alang tilapya mula sa isang maliit na fish pond sa bayan ng Sta Maria, Isabela, kamakailan.
Ayon kay Dr. Angel Encarnacion, Director ng BFAR Region 2, bagamat hindi gaanong malala ang epekto nito ay kailangang maging handa ang mga mangingisda upang maiwasan ang pagkamatay ng mga isda at makapaglatag ng mga hakbang upang maiwasan ito.
Ipinayo ng director na ngayon pa lamang ay dapat ayusin na ang lalim ng mga fish ponds at siguruhing may sapat na supply ng tubig upang hindi kapusin sa oxygen ang mga alagang isda sakaling tumaas ang temperatura dahil sa banta ng El NiƱo.
Gayonman, inihayag niya na sa trend analysis ng ahensya ay tumaas naman ng 4% ang produksyon ng isda sa unang quarter ng taon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sinabi nito na sa ngayon ay sapat pa naman ang supply ng isda sa lambak ng Cagayan at umaasa siya na magtutuloy-tuloy ito dahil walang bagyo o anumang sama ng panahon ang nararanasan para maapektohan ang huli ng mga mangingisda at bumaba na rin ang presyo ng produktong petrolyo hindi katulad noong nakaraang taon.