Tuguegarao City- Isinailalim sa culling operation ang mahigit 38K na mga layer chicken ng isang poultry farm sa San Luis, Pampanga matapos makumpirma ang pagtama ng strain ng highly pathogenic A(H5N6) bird flu virus.
Sa panayam kay Dr. Ronnie Domingo, National Director ng Bureau of Animal Industry (BAI), umabot sa kabuuang 38,701 na mga manok mula sa isang poultry farm ang pinatay upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Aniya, agad na nagsagawa ang mga otoridad ng cleaning at disinfection upang malinis ang farm na kakatapos lamang nitong Hulyo 17.
Sa ngayon ay pansamantala namang isinara ang nasabing poultry farm habang patuloy na inoobserbahan ang sitwasyon sa iba pang manukan.
Paliwanag ni Dr. Domingo, maaaring galing ang virus na tumama sa mga manok sa mga migratory bird na nagmumula sa iba’t-ibang bansa.
Sa pagtaya ng nasabing tanggapan ay umaabot sa 150k na mga migratory birds ang napapadpad sa pilipinas at kadalasang namamalagi sa 117 na mga identified important bird areas sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Sinabi pa ng opisyal na patuloy ang kanilang pag-aaral ng iba’t-ibang control measures habang pinapayuhan ang lahat ng mga poultry farm owners na paigtingin ang pagpapatupad ng kanilang bio-security measures laban sa virus.
Nabatid pa na 90 days ang kailangang hintayin at ibabatay naman sa obserbasyon at pag-aaral ang muling pagbabalik operasyon ng poultry farm na tinamaan ng bird flue.