TUGUEGARAO CITY- Magbibigay ng cash assistance ang pamahalaang lokal ng Tuguegarao sa mga butcher o matadero sa slaughter house na maaapektuhan sa modernization ng pasilidad.

Sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na P20, 000 ang ibibigay na ayuda sa mga ito.

Subalit nilinaw ni Soriano na hindi muna kasama sa mabibigyan ng ayuda ang mga tauhan o assistant ng mga matadero.

Gayonman, nangako siya na maghahanap sila ng pondo upang susunod na mabigyan ang iba pang nagtatrabaho sa slaughter house bagamat hindi na P20, 000

Inatasan na ni Soriano ang mga kinauukulan sa city hall na puntahan ang slaughter house para makuha ang pangalan ng mga matadero.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Soriano na pinapayagan na ang pagbebenta at pagbili ng alak mula 1:00 pm hanggang 4:00 pm lamang dahil sa marami umano ang bumibili ng alak sa labas ng lungsod.

Sinabi ni Soriano na pinapayagan ito sa pamamagitan ng inaprubahang resolusyon ng Sangguniang Panlungsod

Gayonman, binigyan diin ni Soriano na sa February 4 at 5 ay ipatutupad ang total liqour ban upang bigyan daan ang Bar examination sa lungsod kung saan 400 ang examinees.

Ayon sa kanya, kauna-unahan ito na mangyayari sa lungsod kaya kailangan na ito ay mapaghandaan upang maiwasan ang anomang aberya.

Sinabi niya na hinihintay na rin niya ang rekomendasyon ng Traffic Management Group at PNP para sa kanilang ilalatag na mga hakbang lalo na sa pagbibigay seguridad sa mga examinees at maging sa daloy ng trapiko.

Idinagdag pa ni Soriano na plano din nilang magpatupad ng walang pasok sa gobyerno sa Pebrero 4, araw ng Biyernes para sa nasabing pagsusulit.