Magiging kakaiba ang pagdiriwang ng mga Kristiyano ng Holy Week dahil sa banta ng kumakalat na coronavirus.
Ngayong Semana Santa, hindi muna pahihintulutan ang Bisita Iglesia na nakagawian tuwing Mahal na Araw dahil sa umiiral na Luzon lockdown.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagdiriwang ng mga ‘misteryo’ na bumubuo sa sentro ng pananampalataya ng Simbahan sa tradisyonal na paraan sa kabila ng kakulangan ng pisikal na pagdalo ng mga mananampalataya.
Sa inilabas na aktibidad ng St. Vincent Parish Church sa bayan ng Solana, lahat ng misa at mga aktibidad sa buong holy week hanggang Easter Sunday ay mapapakinggan at mapapanood sa facebook live streaming ng Bombo Radyo Tuguegarao.
Samantala, hindi napigilan ang ilang mananampalataya na makiisa sa Linggo ng Palaspas o Palm Sunday Mass na hudyat ng pagsisimula ng Semana Santa.
Ilan sa mga deboto ay matiyagang naghintay sa labas ng simbahan para sa pagbasbas ng palaspas.
Sa bayan ng Solana, pagkatapos ng live streaming mass na pinangunahan ni Fr. Gary Agcaoili, parish priest ng St. Vincent Ferrer Parish Church ay binendisyunan nito ang mga palaspas na nakalatag sa mesa.
Bagamat nanibago ang mga deboto sa naturang hakbang, kailangan pa rin nilang tumalima bilang pag-iingat sa banta ng Covid-19.
Kasabay nito, hinimok ni Fr. Agcaoili ang mga deboto na makiisa sa mga aktibidad ngayong Holy Week kahit nasa bahay sa pamamagitan ng radyo o sa live streaming.