Patuloy na tinutugis ng hanay ng 54th Infatrt Battalion ang mga rebeldeng grupo na nakasagupa ng kasundaluhan sa bahagi ng Sitio Balay, Barangay Tulgao, Tingalayan, Kalinga kahapon.

Ayon kay CAPT Rigor Pamittan, hepe ng DPAO, 5th ID, tumagal ng 15 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng mga sundalo at nasa pitong miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla Ampis na mabilis namang nakatakas.

Aniya, ang nasabing grupo ay kumikilos at nag-iikot sa mga probinsya sa Cordillera at dahil sa patuloy na military operations at magandang koordinasyon ng publiko na nagbibigay ng impormasyon sa presensya at kinaroroonan ng mga rebelde ay natunton ang kanilang puwesto.

Sinabi nito na maaaring napadaan lamang at nagpapahinga ang mga nasabing grupo ng rebelde nang madatnan ng tropa ng militar.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman, sinabi niya na wala namang mga nasaktan o nasawi sa hanay ng mga sundalo at maging sa mga NPA habang wala rin silang mga narecover na anumang gamit mula sa pinangyarihan ng bakbakan.

Samantala, inihayag ni Pamittan na sa ngayon ay nakaalerto rin ang kanilang hanay sa pagbabantay lalo na sa mga threatened areas upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan kasabay ng pagdiriwang ng pasko at bagong taon.