Inihayag ng Department of Trade and Industry o DTI na patuloy na umaangat ang mga Micro Small Medium Enterprises o MSME’s sa lalawigan ng Nueva Vizcaya dahil sa tulong na ibinibigay ng National Government Agencies at Provincial Local Government Unit.

Sinabi ni Atty. Michael Paggabao, provincial director ng DTI sa Nueva Vizcaya na umaangat ang economic performance ng Nueva Vizcaya dahil sa tulong ng mga MSME’s na napagkalooban ng tulong para mapalago ang kanilang puhunan.

Batay sa provincial products accounts as of November 2023 ng Philippine Statistics Authority o PSA, naitala ng lalawigan ng Nueva Vizcaya ang pinakamabilis na paglago ng Gross Value Added (GVA) ng industriya sa 27.3 percent noong 2022 mula sa pilot provinces at Highly Urbanized Cities sa labas ng National Capital Region.

Sinabi ni Paggabao na mahigit 50 MSME’s sa lalawigan ang nakikilahok ngayon sa iba’t ibang trade fairs sa bansa para i-promote at ibenta ang kanilang mga de-kalidad na produkto.

Inihayag ni Paggabao na bagamat naramdaman ang paghina ng promosyon at benta ng mga msme’s sa lalawigan nitong nakalipas na covid 19 pandemic, bahagyang nakabawi naman ang mga ito sa paglahok sa Alabang trade fair sa Metro Manila kung saan umabot sa halos 12 milyong piso ang kanilang benta.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na ang trade fair ay ang flagship marketing initiative ng Provincial Local Government Unit ng Nueva Vizcaya sa pamamagitan ng Provincial Cooperative Enterprise and Development Office, Provincial Tourism and Culture Office, at ng DTI.

Sinabi niya na ang napakalaking tugon mula sa mga mamimili, mangangalakal, at mga bisita ay muling nagpapatunay sa lumalaking pangangailangan para sa mga lokal na produkto.