Umabot sa 74,158 na pamilya na katumbas ng 246,632 katao ang naapektuhan dahil sa nagdaang bagyong Kristine at Leon sa Rehiyon Dos.
Ayon kay Mylene Attaban, Division Chief Response Management ng DSWD Region 2, nakapag-abot sila ng 57,382 Family Food Packs (FFP) na nagkakahalaga ng mahigit P38-M, habang nasa 4,181 Non-Food Items (NFIs) na may kabuuang halaga na 7, 615,313.25, at 1,000 bottled water na nagkakahalaga naman ng mahigit P64-K para sa mga naapektuhan ng bagyong Kristine.
Bukod pa dito ay nasa 2,945 FFP na nagkakahalaga ng halos P2-M at 15 sleeping kits na rin ang naipamahagi sa mga apektadong pamilya bunsod ng bagyong Leon.
Sinabi pa ng ahensya na umaabot na sa 12 kabahayan ang naitalang totally damaged habang nasa 197 naman ang partially damaged mula sa buong Lambak ng Cagayan.
Sinabi naman ni Franco Lopez, Assistant Regional Director for Operations, na agad nilang tinugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang nasiraan ng bahay na maari nilang magamit sa pagkumpuni sa mga nasirang tahanan.
Ayon kay ARD Lopez, siniguro nito na lahat ng mga apektadong pamilya ay naabutan ng tulong bilang bahagi ng kanilang mandato lalo na sa panahon ng pananalasa ng iba’t ibang kalamidad sa probinsiya.