Patuloy ang pagdami ng mga interesadong magpalaki at magparami ng DADOS chicken sa lambak Cagayan.

Ayon kay DA Region 2 Agriculturist at DADOS chicken study leader Ferdinand Arquero, may mga nakapila na sa kanilang ahensiya na humihiling na mabigyan ng nasabing lahi ng manok na resulta ng kanilang pag-aaral at pananaliksik.

Dahil dito ay palalawakin ang breeding sites nito sa mga livestock research centers ng ahensya sa mga lalawigan ng Isabela, Nueva Viscaya at Quirino.

Sa kasalukuyan, ang breeding center nito ay matatagpuan sa research center sa Solana, Cagayan.

Ang dados chicken ay may dalawang uri na resulta ng apat na taong pag-aaral, ang dados black na pang-ulam at dados barred na pang-egg production.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Arquero na ang dados black ay mas matangkad at mas malaki kaysa sa karaniwang native chicken ng bansa at kasinglinamnam ng native chicken ngunit mas malaman.

Habang ang dados barred ay kayang mangitlog ng mula 280 hanggang 320 kumpara sa native chicken na hanggang 100 lamang maliban sa mas malalaki ang itlog nito.

Ang nasabing cross breed ng manok ay akma sa mainit na temperatura, at kinakain ang mga karaniwang pagkain ng free-range o hindi naikukulong na manok.