
Hindi nagpatinag ang mga nagpoprotesta sa Iran sa kabila ng matinding crackdown ng pamahalaan, habang lumalabas ang mga beripikadong video na nagpapakita ng mararahas na sagupaan sa pagitan ng mga demonstrador at security forces sa iba’t ibang lungsod.
Ang mga protesta, na nagsimula dahil sa tumataas na inflation, ay kumalat na sa mahigit 100 lungsod at bayan sa buong Iran.
Lumala ang sitwasyon matapos ang talumpati ng Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei noong Biyernes ng gabi, na sinundan umano ng mas agresibong aksyon ng mga security forces gamit ang bala, pellet gun, at tear gas.
Ipinahayag ng mga saksi na maraming sibilyan, kabilang ang kababaihan at kabataan, ang nasugatan at napatay.
Naiulat din na nahirapan ang mga ospital na tugunan ang dami ng pasyente, kabilang ang mga may tama ng bala at pellets sa mata at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tinataya ng Human Rights Activists News Agency na mahigit 100 katao na ang nasawi kaugnay ng mga protesta, kabilang ang ilang menor de edad, habang libo-libo ang naaresto.
Patuloy ring ipinatutupad ang internet blackout sa maraming lugar, bagama’t may limitadong koneksyon pa rin para sa piling indibidwal.
Sa kabila nito, sinasabi ng mga residente na mas marami pang mamamayan ang lumalabas sa lansangan, habang patuloy namang nananawagan ang pamahalaan ng kaayusan at pagkakaisa sa gitna ng lumalalang krisis.










