Siyam na bayan sa lambak ng Cagayan ang lumagda na sa Specific Implementation Agreements (SIA) para sa epektibong paglipat sa LGU ng mga pamilyang nagtapos na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na programa ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay Jeanette Lozano, 4Ps focal person ng DSWD-RO2 na nakapaloob sa kasunduan ang mga tungkulin ng LGU upang masiguradong hindi na babalik pa sa kahirapan ang mga nagtapos sa 4Ps, alinsunod sa RA 11310.
Sa ilalim ng batas, aabot sa pitong taon lamang ang pagbibigay ng cash grant sa mga 4Ps benefeciaries at pagkatapos nito ay ieendorso ng DSWD ang mga nagtapos na sa programa sa mga LGUs.
Makaraang iendorso, patuloy namang imomonitor ng DSWD ang mga benepisaryo at tutulungan sa pamamagitan ng iba pang programa ng ahensya habang tungkulin din ng bawat LGU na bumalangkas ng mga programa na isasakatuparan upang masiguradong hindi na babalik pa sa kahirapan ang mga benepisaryo tulad ng pagbibigay ng livelihood project at iba pa.
Kabilang sa siyam na lumagda sa SIA mula sa 87 na LGU ang bayan ng Enrile sa Cagayan; Quezon, Tumauini at Burgos sa Isabela; Aritao, Solano, Quezon, Dupax Del Norte at Dupax Del Sur sa Nueva Vizcaya.
Sa apat na lalawigan sa rehiyon na kasama sa 4Ps program, sinabi ni Lozano na aabot sa 100,000 na pamilya ang benepisaryo ng programa habang nasa mahigit 10,000 benepisaryo ang nagtapos na sa programa.