Umakyat na sa 250K board feet ng mga undocumented forest products ang nahuli sa mga inilatag na checkpoints ng Department of Environment and Natural Resources Region 2 hanggang ngayong buwan ng Hulyo ngayong taon.

Ayon kay DENR Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan, resulta ito ng pagpapaigting sa forest protection campaign sa pamamagitan ng pagpapalakas ng regional at provincial environmental law enforcement councils at operasyon ng 41 mobile o stationary checkpoints sa rehiyon.

Bukod sa mga illegal na pinutol na kahoy, nahuli rin ang nasa 75 conveyances o sasakyan na ginamit sa transportasyon ng mga kontrabandong kahoy.

Dagdag pa ni Bambalan, nai-donate na sa mga eskwelahan ay iba pang government institutions ang mga nakumpiskang kahoy na natapos na ang kaso habang nasa P2.5M ang nalikom ng ahensya sa mga na-dispose na mga sasakyan.

Kasabay nito, sinabi ni Bambalan na patuloy ang kanilang monitoring sa mga lugar na natanggal na bilang illegal logging hotspot sa listahan ng Forest Management Bureau gaya ng Baggao, Cagayan at Jones, Isabela.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan naman si Bambalan sa publiko ng pagkakaisa para maisulong ang proteksyon sa kalikasan.