Nagbabala ngayon si Mayor Jefferson Soriano na mahaharap sa kaukulang kaso ang mga indibidwal na nakakuha ng DOBLE sa Social Amelioration Program (SAP) sa Tuguegarao City, kung hindi ito isasauli.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng alkalde na nag-iimbestiga na ang Philippine National Police at Criminal Investigation and Detection Group matapos makita sa database na mahigit 100 indibidwal sa lungsod ang nakatanggap ng doble sa ayuda ng pamahalaan.

Babala ni Soriano, kailangang maibalik sa gubyerno ang isa sa natanggap na P5,500 financial assistance para maibigay sa iba pang nangangailangan sa lalong madaling panahon.

Batay sa datos ng pamahalaang panglungsod, lumalabas na may mga benepisaryo na nakakuha ng ayuda sa ibang Barangay gayong nakakuha na ito sa kanyang Barangay at may mga benepisaryo rin na dalawang beses nakakuha sa kanyang Barangay sa pangalan ng iisang tao.

Bukod dito, sinabi ni Soriano na may mga Barangay officials at empleyado din ang nakatanggap ng naturang ayuda gamit ang pangalan ng kanilang asawa, gayong may hiwalay na programa ang gubyerno para sa kanila.

-- ADVERTISEMENT --

Ipapaskil din ang listahan ng mga benepisyaryo ng SAP ng pamahalaan sa mga Barangay at maging sa social media o Facebook page ng City Information Office (CIO).

Tinig ni Mayor Jefferson Soriano

Kasabay nito, inihayag ng alkalde na isusunod na mabibigyan ng P2,000 ang lahat ng Barangay officials and employees, kasama ang SK chairman habang P4,000 sa barangay Captain.

Nauna na ring nagbigay ang pamahalaang lungsod ng karagdagang P1,000 sa mga miyembro ng Listahanan/National Household Targeting System, 4Ps at PWDs.