TUGUEGARAO CITY-Hindi naitama ng Implementing Rules and Regulations o IRR ang mga nakikitang depektibong probisyon ng Anti-Terrorism Law.

Ito ang inihayag ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, National President ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa IRR ng Anti-Terror na inilabas ng Department of Justice (DOJ).

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cayosa na maging ang DoJ ay aminado na hindi mababago ng IRR ang kuwestiyonableng probisyon dahil layon lamang aniya nito na idetalye ang mga nakasaad o saklaw ng batas.

Sa katunayan, inihayag niya na hindi nasunod ang sinabi ni Sen. Ping Lacson na siyang nagsulong ng Anti-Terror Law sa senado nang sumulat siya sa IBP na hindi bibigyan ng kapangyarihan ang Anti-Terrorism Council o ATC na mag-isyu ng warrant of arrest.

Ayon kay Atty. Cayosa na kasama pa rin ito sa inisyung IRR na mayroong pa ring mandato ang ATC na maglabas ng arrest warrant sa mga pinaghihinalaang terorista.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, inihayag ni Cayosa na magpupulong ang 37 petitioners na kumokuwestiyon sa ilang probisyon ng batas para talakayin at magkaroon ng maayos na pagdinig sa mga inihaing petisyon.

Umaasa naman ang IBP na didinggin na ito ng Supreme Court para maiwasang magamit ng mga tiwaling law enforcers ang batas.

Kabilang sa mga naghain ng petisyon para kuwestiyonin ang legalidad ng ilang probisyon ng batas ay ang grupo ng mga abugado, law deans, professors, estudyante, Muslim community, simbahan at ibang non-government organizations.

Ilan sa mga ito ay kinuwestiyon ang walang sapat na pangontra laban sa pang-aabuso ng batas.

Pinalawak din daw ang kahulugan ng terorismo at inaagaw umano ng ehekutibo ang kapangyarihan ng mga korte. with reports from Bombo Marvin Cangcang