Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga namamatay sa nangyaring malakas na lindol sa Myanmar at Thailand kahapon ng hapon, kasabay ng isinasagawang rescue operations sa mga gumuhong gusali at umaasa na makahanap ng survivors.
Tumama ang mababaw na 7.7 magnitude na lindol sa northwest ng Sagaing City sa Central Myanmar na sinundan ng 6.7 magnitude na aftershock.
Sinira ng nasabing mga pagyanig ang mga gusali, tulay, at mga kalsada, kung saan ang pinakamatinding pinsala ay sa ikalawang pinakamalaking lungsod na Mandalay.
1,002 katao na ang natagpuang patay habang 2,376 ang nasugatan at 30 ang missing sa Mandalay region, habang 10 naman ang kumpirmadong namatay sa Bangkok, Thailand.
Subalit dahil sa mahirap na komunikasyon ngayon, hindi pa mabatid ang malinaw na lawak ng pinsala ng malalakas na pagyanig, at inaasahan ang pagtaas pa ng bilang ng mga casualties.
Ayon sa US geologists, ito ang pinakamalakas na lindol na tumama sa Myanmar sa loob ng isang siglo, at ang malalakas na pagyanig ay nagbunsod para pagkasira ng maraming gusali sa Bangkok, na malayo sa epicenter ng lindol.