Halos malinaw na ang mga mananalong kandidato sa matataas na posisyon sa lalawigan ng Cagayan bagamat may hinihintay pa na transmission ng mga resulta mula sa 197 precincts kung saan 83.6 percent na ang resulta ng katatapos na halalan.
Batay sa partial unofficial results, malaki na ang lamang ni dating PNP Chief Edgar Aglipay sa pagka-gobernador na mayroon nang nakukuha na boto na 215,201 votes, sinundan ni Dr Zara Lara na mayroon ng boto na 192,503, at panghuli si incumbent Vice Governor Boy Vargas na may boto sa ngayon na 127,109.
Tiyak na rin ang panalo ni incumbent Governor Mamba sa pagka-bise gobernador dahil sa napakalayong agwat ng nakuha nitong boto sa kanyang mga katunggali.
Sa mga oras na ito, may nakukuha ng boto si Mamba na 290,588 habang ang kanyang dalawang katunggali na sina Odi Fausto at Apong Antonio ay mayroon pa lamang mahigit 100,000 votes.
Hindi na rin matitinag ang pwesto ni Congressman Ramon Nolasco na parehong posisyon sa 1st district ng Cagayan dahil sa malaking kalamangan sa kanyang katunggali, kung saan mayroon na siyang boto na 104,473 habang si Florante Pascual ay mayroon pa lamang 76,211.
Mapapanatili din ni uncumbent 2nd district Congresswoman Aline Vargas Alfonso matapos na mag-concede ang kanyang mahigpit na katunggali na si Harry Florida.
Nakakuha na si Alfonso ng 87,621 habang si Florida ay 54,828.
Tiyak na rin ang panalo muli ni Congressman Jojo Lara na nakakakuha na ng 120,070 habang 78,117 naman kay Randy Ting.
Samantala, naiproklama na kaninang madaling araw si incumbent Mayor Maila Ting Que bilang mayor muli ng Tuguegarao City matapos na makakuha ng 41,670 votes na pinakamalaking bilang ng boto sa kasaysayan ng lungsod, na malayo sa nakuhang boto ng kanyang katunggali na si dating Mayor Jefferson Soriano na 32,775.
Kasama niyang naiproklama ang nanalong vice mayor na si incumbent 3rd district Board Member Pastor Ross Resuello at ang mga nanalong 12 konsehal.
Sa bayan naman ng Rizal na isinailalim sa red category dahil sa pagpapatay kay Mayor Joel Ruma, lamang na ang anak ng pinaslang na alkalde na si Jamilla na mayroon nang nakukuhang boto na 5,134 habang 3,661 si Ralph Mamauag, ang kanyang katunggali.
Malayo na rin ang bilang ng boto ng kanyang ina na si Brenda sa pagka-vice mayor na mayroon nang mahigit 5,000 votes habang ang kanyang katunggali ay mayroong mahigit 3,000.
Samantala, sinabi ng PNP na sa kabuuan ay gererally peaceful ang pagdaraos ng halalan sa Cagayan.