
Tinalakay ni ASEAN Socio-Cultural Community (ASCC) Council Chair at DSWD Sec. Rex Gatchalian ang mga mahahalagang napagkasunduan sa 35th ASCC Council Meeting nitong Huwebes, Marso 5.
Aniya, isusulong ng konseho ang apat na thematic priorities sa ilalim ng ASEAN RISE framework: resilient and empowered families, inclusive development, smart youth and innovation, at environmentally sustainable and food-secure future.
Binigyang-diin ni Sec. Gatchalian ang ASEAN Strategic Protocol for Regency and Comprehensive Transformation (ASPECT), na layong bumuo ng roadmap para sa regional interoperability, koordinasyon, at epektibong access sa tulong sa mga kalamidad at malalang panahon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dagdag pa niya, ang tagumpay ng konseho ay hindi lamang nasusukat sa dokumentong iaadopt sa 48th ASEAN Summit, kundi sa aktibong pagtutulungan ng Pilipinas sa mga member states, dialogue partners, civil society, at private sector upang hubugin ang ASEAN na nakasentro sa mamamayan.
Sa usapin ng umuusbong na banta tulad ng displacement at public health risks mula sa Middle East, iginiit ni Gatchalian na kabilang ito sa framework ng konseho sa ilalim ng Inclusive Development, at may nakahandang high-level meetings para bumuo ng konkretong programa para sa mga OFW at migrant workers sa rehiyon.










