Nadala na sa mga treatment facility ang halos lahat ng mga langis na nasipsip mula sa lumubog na MT Terra Nova.
Batay sa report ng Philippine Coast Guard, umaabot na sa 1,218,000 litro ng narekober na langis ang nadala sa treatment facility sa Marilao, Bulacan.
Ito ay mula sa kabuuang 1,254,889 litro ng langis na nasipsip mula sa lumubog na tanker.
Samantala hanggang kahapon, Setyembre-5, hindi pa rin natuloy ang siphoning operation sa nalalabing langis na naiwan sa tanker. Una itong itinigil noong Setyembre-2, habang nagsisimulang lumakas ang epekto ng bagyong Enteng.
Pinangangambahan kasing magdulot ng pagtagas ng langis ang mlalakas at matataas na daluyong habang isinasagawa ang siphoning operation.
Sa kasalukuyan, kulang-kulang 200,000 litro ng langis na lamang ang nalalabi mula sa tinatayang 1.4 million liter na karga-karga ng tanker noong lumubog ito sa Manila Bay.