
Hinimok ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na sa halip na remittance boycott, ay mas mainam na idaan na lamang online sa pamamagitan ng pagba-vlog ang protesta.
Reaksyon ito ni Cloyd Velasco ng PCCI-Cagayan Chapter hinggil sa banta ng mga OFW sa Europa na zero remittance week o hindi magpapadala ng remittance sa bansa simula bukas, March 28 hanggang April 4, 2025 bilang pagtutol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, maaaring ipakita online ang protesta nang hindi naisasakripisyo ang kanilang pamilya gaya na lamang sa mga nangangailangang bumili ng gamot o may naka-schedule na dialysis treatments.
Dagdag pa ni Velasco, ang remittances ay nakakatulong para palakasin ang purchasing power ng mga pamilya ng OFW na nakapagbibigay sigla naman sa ekonomiya ng bansa.
Tiwala naman si Velasco na hindi lahat ng OFWs ang makikilahok sa protesta sa remittance.