Binalaan ng House committee on good governance ang pitong opisyal ng Office of the Vice President (OVP) na sila ay ipapaaresto kung hindi dadalo muli sa pagdinig sa umano ay hindi tamang paggamit ng public funds.

Sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chair ng nasabing panel na naglabas sila ng maraming summons sa pitong OVP officials na binabalewala ang kanilang kahilingan na dumalo sa pagdinig.

Binigyang-diin ni Chua na ito ay pagpapakita ng kawalang pagkilala sa otoridad ng Kongreso at hindi ito katanggap-tanggap.

Sinabi niya na kung hindi pa rin sila dadalo sa pagdinig ay handa silang maglabas ng kautusan para sa pag-aresto sa kanila.

Ayon sa kanya, ang nagkumpirma pa lamang na dadalo sa pagdinig ay sina Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez at OVP Chief Accountant Julieta Villadelrey na nakatakda ngayong araw na ito.

-- ADVERTISEMENT --

Iniimbestigahan ng House panel ang umano ay hindi tamang paggamit sa P612.5 million na confidential funds na inilaan sa OVP at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno noon ni Vice President Sara Duterte.

Bukod kina Sanchez at Villadelrey, hindi dumalo sa initial hearing ang mga sumusunod na opisyal noong November 5:

OVP Chief of Staff Zuleika Lopez, na umalis umano patungong Los Angeles, California
Assistant Chief of Staff and Bids and Awards Committee Chair Lemuel Ortonio
Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta
Former DepEd Assistant Secretary Sunshine Charry Fajarda
SDO Edward Fajarda