Nakatakdang tumulak sa susunod na linggo sa Middle East ang mga opisyal ng Pilipinas para asikasuhin ang pagpapauwi ng mga Pilipinong mangagagwa na apektado sa paglala ng tensiyon sa Estados Unidos at Iran.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, bibiyahe siya patungong Saudi Arabia at Kuwait upang makipagpulong sa Filipino community at kumbinsihin na umuwi sa Pilipinas.

Magtutungo naman sa United Arab Emirates (UAE) si Labor Undersecretary Claro Arellano habang si Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia sa Lebanon para tumulong sa repatriation at matiyak na maiuwi nang ligtas sa bansa ang mga OFWs.

Muli ring tiniyak ni Cacdac ang kahandaan ng OWWA na tulungan ang mga OFWs na uuwi sa bansa mula financial assistance hanggang sa training para sa kanilang kabuhayan.