TUGUEGARAO CITY- Nanawagan ng tulong ang mga opisyal ng Solana, Cagayan sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan para tulungan ang kanilang mga magsasaka na umaaray na sa mababang presyo ng palay.
Sinabi ni Vice Mayor Meynard Carag, hindi kaya ng LGU na bigyan ng ayuda ang mga magsasaka sa kanilang bayan dahil 95 percent ng populasyon ng Solana ay mga magsasaka.
Bukod dito, sinabi ni Carag na hindi na aabot kung maglo-loan ngayon ang LGU para ibigay sa mga magsasaka dahil sa panahon na ng anihan at hindi na pwedeng maglaan sila ng budget para sa ayuda dahil advance budgeting umano ang mga LGU.
Binigyan diin ni Carag na kailangan na matulungan ang mga magsasaka dahil sa tiyak na aabot sa P1b ang mawawala sa kita ng mga ito kung patuloy ang mababang presyo ng palay dahil na rin umano sa Rice Tarrification Law.
Maliban pa dito ang mahal na presyo ng diesel na ginagamit ng mga magsasaka para mapatubigan ang kanilang mga sakahan at ang pabago-bagong panahon.
Sinabi ni Carag na ito ang isang layunin ng ginawa nilang farmer’s forum sa Solana upang makahingi ng tulong sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan.
Idinagdag pa ni Carag na maaari din na matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mga alternatibong pangkabuhayan.