Bigo pa rin ang mga otoridad na makakuha ng mga indikasyong makapagtuturo sa kinaroroonan o pinagbagsakan ng nawawalang cessna plane sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay CAPT Rigor Pamittan ng 5th Infantry Division Philippine Army, nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operations na ginagawa ng mga miyembro ng binuong Incident Management Team.
Sa katunayan aniya ay dalawang aircraft na ang ginamit kahapon ng mga otoridad upang suyurin ang mga bundok na posibleng binagsakan ng eroplano lalo na sa mga coastal areas ng Isabela.
Bukod dito ay nagpatulong na rin sila sa mga katutubong agta na pamilyar sa mga kabundukan para sa pagpapatuloy ng ground search.
Sinabi nito na sa ngayon ay wala pang update ang mga otoridad sa kinaroroonan ng eroplano at ng mga sakay nito habang sinusuyod din ang 20km radius mula sa Maconacon na posibleng kinaroroonan ng cellphone ng isang pasahero matapos na ito ay mag-ring.
Umaasa si Pamittan na sa mga susunod na araw ay matutukoy din nila ang kinaroroonan ng nawawalang eroplano.