Tuguegarao City- Nagsagawa ng inspeksyon sa mga pamilihan at establishimento ang Tugegarao City Veterinary Office upang mamonitor ang mga itinitindang pork and meat products laban sa ng African Swine Fever (ASF).
Sa panayam kay Dr. Pastor Tumaliuan Jr., ito ay dahil na rin sa mga natatanggap na report na may mga nakakapasok na imported pork and meat products sa lungsod.
Aniya, kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga panindang karne ng baboy laban sa ASF lalo pa ngayong papalapit na ang holidays season.
Kabilang sa kanilang mga pinuntahan ay ang Tuguegarao City Commercial Center, Dondomingo Public Market at mga private establishments.
Bukod dito ay kasama rin sa kanilang mga binabantayan ngayon ay ang mga online sellers na nagbebenta ng mga hamon.
Iginiit nito na kailangang matiyak ang kalinisan ng mga panindang karne sa bawat pamilihan upang masigurong ligtas ding kainin ng publiko.
Sa ngayon ay lalo aniya nilang hinigpitan ang mga panuntunan sa mga inilatag na checkpoints upang mabantayan ang pagpasok ng mga produkto sa lungsod.
Sinabi ni Tumaliuan na hindi nag-aangkat ng karne ng baboy ang Tuguegarao City mula sa mga probinsyang may mataas na kaso ng ASF.
Paliwanag niya, bilang pagtitiyak na may sapat na supply ng karne sa Tuguegarao ay pinapayagan ang pagpasok ng mga produktong galing ng Ilocos region at iba pang probinsya na walang kaso ng ASF ngunit kailangang may kaukulang mga dokumento.
Maalalang una rito ay naglabas na ng direktiba si Cagayan Gov. Manuel Mamba na higpitan ang pagpapatupad ng mga panuntunan upang macontain ang pagkalat ng sakit ng baboy sa probinsiya.