Ang Semana Santa ay maituturing ng simbahan na pinakamahalagang lingo bilang mga Kristiyano.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ayon kay i Fr. Bernice Rio, Parish Priest ng Our Lady of Piat, sinabi niya na dahil sa sakripisyo ni Hesu Kristo ay napatawad ang kasalanan o natanggal ang original sin at nabigyan ng pag-asa dahil sa kanyang muling pagkabuhay.

Panahon umano ito para manalangin at baguhin ang sarili sa pamamagitan ng pagbabalik loob sa Panginoon maging sa pagpapasalamat sa mga biyayang natanggap at sa paghingi ng tawad sa mga kasalanang nagawa.

Sinabi pa ni Fr. Rio na marami sa mga Katoliko ang isinasabay ang kanilang panata ngayong Semana Santa kung saan ginagawa umano ito hindi dahil sa nais na matupad ang mga kahilingan kundi magkaroon ng sapat na oras para sa Panginoon.

-- ADVERTISEMENT --
tinig ni Fr. Rio

Ano naman ang mga panata ng ilan sa ating mga kababayan ngayong Semana Santa?

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Beatrice Cafugauan, 83 anyos at residente sa Brgy. Larion Bajo dito sa lungsod ng Tuguegarao, sinabi niya na ang kanyang panata ay makadalo sa lahat ng aktibidad ng simbahan hindi lang ngayong Semana Santa kundi maging sa ibang mga mahahalagang pangyayari.

Lagi rin siyang nagsisimba at nagbibigay ng tulong sa mga nangaingailangan kahit na hindi umano siya mayaman ngunit nais niyang tumulong sa kapwa upang makamit ang kanyang nais na gumaling mula sa kanyang sakit , magtuloy- tuloy na maayos ang pamumuhay ng kanyang mga anak at hindi matukso sa mga hindi kanais- nais na mga gawain.

Bilang katekista ng St. Peter and Paul Metropolitan Cathedral ng 63 taon, ito na ang kanyang nakaugaliang panata tuwing Semana Santa na kung saan maaga man na nawalay sa kanyang piling ang tatlong anak ay masaya naman ito sa narating ng pito pa niyang anak at sa ngayon ay maayos na ang pamumuhay.

Naniniwala ito na kung taimting ang panalangin at mula sa puso ay tutuparin ng Panginoon ang kahilingan basta magtiwala lamang sa kanya.

tinig ni Gng.Cafuganan

Sa panayam naman kay JB Diego, 38 anyos mula sa bahagi ng Caritan na tuwing Semana Santa ay nagdadarasal ito bilang pag-alala sa paghihirap ni Hesu Kristo para mapanatag ang kanyang pamilya.

Nais lamang umano niya ng simpleng pamumuhay kasama ang kanyang pamilya dahil simula umano na siya ay naging ama ay masaya ang kanyang naramdaman at nais nitong manatili kasama ang mahal sa buhay.

Marami na umano ang pagsubok na kanyang naranasan katulad ng pagkakasunog noon sa kanilang pangkabuhayan maging sa tahanan ngunit hindi siya sumuko kundi mas lalo pang tinatagan ang paniniwala sa Poong Maykapal.

Nagsilbi rin umano itong aral sa kanila para magbalik sa pananampalataya.

tinig ni JB Diego

Sinabi naman ng magkapatid na sina Sis Amparo Morales at Evangeline Rosales na hindi sila nagsasawang magpasalamat sa mga mabubuting nagawa ng Panginoon sa kanila.

Noong bata pa umano sila ay naturuan na ng mga magagandang asal na kanilang dinala hanggang sa ngayon.

Marami man umano ang naging pagsubok sa kanilang buhay ngunit tanging pag-asa nila ang pananampalataya sa Diyos kung kayat ang kanilang panata ay magdasal at magpasalamat palagi dahil sa kanilang tinamo mula sa Panginoon.

Sinabi naman Fr. Rio na ang pagpapanata at ang mga aktibidad sa simbahan ay hindi lang mga ginagawa sa Semana Santa kundi kinakailangang magtungo sa ibang lugar at hindi sa iba ang ginagawa kundi samantalahin ang pagkakataon upang magdasal at may kasamang pagsasakripisyo.

Dahil dito umano ay natututo na maging mapagpasensya at makontrol ang sarili sa ilang mga bagay upang maiwasan ang mga kasalanan.

tinig muli ni Fr.Rio

Sana, maisapuso ng bawat isa ang kahalagahan sa buhay ng Semana Santa upang malaman ang naging sakripisyo ni Hesus para sa lahat at sa pamamagitan ng pagpapanata ay buo parin ang tiwala sa Panginoon na walang imposible sa kanya sa lahat ng pagkakataon./EFREN REYES JR.