TUGUEGARAO CITY-Pinawi ng isang specialist ang mga pangamba ng publiko kaugnay sa covid-19 vaccine.
Sinabi ni Dr. Jose Carlos Valencia, infectious disease specialist ng Cagayan valley Medical Center na masusing pinag-aralan ang mga bakuna laban sa covid-19 bago pa man ang roll-out.
Ipinaliwanag niya na agad na ititigil ang paggawa ng bakuna kung sa unang phase pa lang ng pag-aaral ay makikita na hindi ito ligtas.
Kung nakapasa naman ito aniya sa phase 1 ay titignan naman sa phase 2 kung nakakapag-produce ito ng anti- bodies o ang effectiveness ng bakuna habang sa phase 3 naman ay dito titignan kung ito ay nakakapagpigil ng sakit ang bakuna.
Sinabi ni Dr. Valencia na aabutin ng taon ang mga pag-aaral sa mga bakuna laban sa anomang uri ng sakit, subalit sa nararanasang pandemic ngayon ay ibinibigay ang emergency use of authority ng Food and Drug Administration kapag nakita na mas mataas ang efficacy kaysa sa panganib ng isang bakuna.
Ito aniya ay upang agad din ang pagtugon sa pagdami at pagkontrol sa virus tulad ng covid-19.
Kaugnay nito, nilinaw ni Dr. Valencia na may side effects ang covid-19 vaccine batay na rin sa naitala ng mga nabakunahan na sa ibang bansa tulad sa US.
Subalit, sinabi niya na normal lamang ito at senyales ito na gumagana ang bakuna para makabuo ng anti-bodies.
Sinabi niya na kabilang sa mga nakitang side effects ay pananakit ng ulo, pagsusuka, pagkahilo, lagnat at pangingnig.
Subalit, sinabi niya na nawawala din ang mga ito pagkalipas ng 48 hours.
Idinagdag pa niya na mas marami ang side effects sa mga matatanda kumpara sa mga mas bata.
Ayon sa kanya, ito ay dahil sa habang tumatanda ay bumababa na rin ang immune system ng isang tao at humihina din ang pagtugon sa mga bakuna.
Ngunit, sinabi niya na hindi dapat na maging dahilan ito upang matakot na magpabakuna laban sa covid-19.
Iginiit niya na malaki ang maitutulong ng bakuna para sa proteksion sa sakit at mapigilan din ang pagkalat pa ng virus.