
Naghain ng dalawang panukalang batas sa Kamara de Representantes si 1Tahanan Party-list Rep. Nathan Oducado upang protektahan ang mga Pilipino laban sa mapagsamantalang pautang at pagkakabaon sa utang.
Ang mga panukala ay ang House Bill 6980 o Credit Cards and Loans Penalties and Surcharges Regulation Act at House Bill 6968 o Strengthening Access to Credit for Micro and Small Businesses Act of 2025.
Ayon kay Oducado, mahigit 60 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nahihirapang pagsabayin ang pang-araw-araw na gastos at bayad sa utang.
Umabot na sa P3.18 trilyon ang household at consumer loans noong unang bahagi ng 2025, habang lampas P560 bilyon ang credit card receivables.
Sa ilalim ng HB 6980, magkakaroon ng iisang patakaran sa kabuuang gastos ng utang anuman ang halaga o uri ng nagpapautang.
Oobligahin din ang mga bangko at lending institutions na malinaw na ipakita ang lahat ng singil at parusa.
May nakalaang remedyo sa batas para sa mga borrower na nakaranas ng hindi makatarungang bayarin.
Ayon sa mambabatas, limitado lamang sa mga pautang na P10,000 pababa ang kasalukuyang proteksyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Dahil dito, maaaring lumobo ang mas malalaking pautang dahil sa interes at penalties.
Giit ni Oducado, hindi laban sa pagpapautang ang panukala.
Layunin nito ang pagiging patas, malinaw, at makatarungan sa mga singilin upang matulungan ang mga pamilya at negosyo na umunlad.
Samantala, layon ng HB 6968 na palakasin ang access sa pondo ng micro at small enterprises sa pamamagitan ng Pondo Para sa Pagbabago Program.
Magbibigay ito ng mas murang at mas maayos na alternatibo sa mga informal lender tulad ng “5-6.”
Binigyang-diin ng mambabatas na kailangang protektahan ang mga Pilipino, lalo na ang maliliit na negosyante, laban sa mapagsamantalang pautang.
Aniya, dapat manguna ang pamahalaan sa pagbibigay ng proteksyon at mas abot-kayang mapagkukunan ng puhunan.










