Patuloy na pinaghahandaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Region 2 ang mga guidlines na ipatutupad o ilalatag sa maayos na pagboto ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa lambak ng Cagayan.
Ayon kay JSInsp. Atty Emerald Hombrebueno, Community Relations Service Chief ng BJMP Region 2, aabot sa higit kumulang 900 PDLs ang bilang ng mga maaaring makaboto sa rehiyon at sa ngayon ay nagpapatuloy naman ang ginagawang beripikasyon sa mga ito.
Nakatakda na rin aniya silang magsagawa ng site inspection sa mga identified na special polling places at off site polling places na maaaring puntahan ng mga PDLs upang makaboto.
Sinabi niya na sa rehiyon ay mayroon umanong walo na natukoy na mga special polling places at dalawa ang off-site polling places at ang mga ito ay ang presintong itinalaga ng COMELEC na maaring puntahan ng mga PDLs kasama ng kanilang mga escorts upang makaboto.
Paliwanag niya sa ilalim ng umiiral na polisiya ay mayroon ding prosesong dapat sundin sa pagboto ng mga PDL depende kung sila ay kasama sa hanay ng mga awaiting trials, ongoing trials at nasintensyahan na.
Ang mga na sintensyahan ngunit hindi aabot sa isang taon ay pinapayagan pang makaboto kasama ng mga nasintensyahan ng higit isang tao pero “on appeal” ang kanilang kaso.
Ngunit kung mabigat ang kinakaharap na kaso at sintensyado na ng isang taon o higit pa ay hindi na ito pinapayagan ng korte.
Ang mga maari namang iboto lamang ng mga PDL ay mga national elective positions tulad ng Presidente, Bise Presidente, Senador at mga Partylist Representatives alinsunod sa inilabas na resolusyon ng Supreme Court.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ni Hombrebueno na sapat ang puwersa ng BJMP Region 2 upang bantayan at samahan ang mga kwalipikadong dapat na makaboto sa darating na halalan sa Mayo 9.