Tuguegarao City- Nagbabala ang punong barangay ng Linao West, Tuguegarao City sa kanilang mga residente kaugnay sa nagpapatuloy na katigasan ng ulo sa pagsunod sa mga inilatag na health protocol.
Sa panayam kay Jerry Quilang, Brgy. Chairman, ilan sa kanilang mga residente ang napag-alamang palihim na tumatakas at lumalabas ang mga ito sa bahagi ng Brgy. Annafunan West.
Dahil dito ay tiniyak niya ang patuloy na pagpapatrolya ng mga opisyal ng barangay upang masigurong lahat ay sumusunod sa mga panuntunan at handa aniya nilang disiplinahin ang sinumang mga mahuhuling hindi sumusunod sa mga precautionary protocol.
Ayon kay Quilang ay mayroon pang ilan sa mga suspected cases ang tumatangging maidala sa nakatalagang isolation facilities.
Sa ngayon ay umabot na sa apat ang COVID-19 confirmed cases sa kanilang barangay at nasa 26 naman ang suspected cases na subject for swabing.
Kung magpapatuloy umano ang katigasan ng ulo ng mga ito ay tiyak na aabot sa 20-30 porsyento ang magpopositibo sa mga suspected cases.
Umapela rin ito sa kanyang mga residente na gumamit ng mga face mask/shield, panatilihin ang social distancing at iwasan ang paglabas sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pagdami ng local transmission.
Kahapon, Setyembre 17 ay pormal na naglabas ng kautusan si Acting Mayor Bienvenido De Guzman upang ideklara ang pagsasailalim ng lockdown sa buong bahagi ng Brgy. Linao West.