TUGUEGARAO CITY- Inihayag ni Mike Pinto, head ng technical working group ng “Balik Cagayan” ang mga alituntunin para sa nasabing hakbang.

Sinabi ni Pinto na ang mga may pribagong sasakyan na babalik ng lalawigan ay hindi na kailangan na kumuha pa ng border pass.

Subalit kailangan pa rin ng mga ito na kumuha ng medical certificate mula sa City o Municipal Health office na kanilang panggagalingan at trave authority sa PNP kung saan din sila manggagaling.

Para naman aniya sa mga nagnanais na magpasundo mula Manila, kailangan nila na mag-apply online sa provincial government ng Cagayan para makakuha ng border pass bukod sa medical certificate at travel authority.

Nilinaw ni Pinto na ang mga susunduin sa Manila ay hanggang sa Tuguegarao lang at ang mga LGU na rin ng mga pasahero ang sasalo sa mga ito para sa kanilang pag-uwi sa kanilang mga lugar sa lalawigan.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ni Pinto na ang mga uuwi ng Tuguegarao ay mayroon ding sariling sasakyan ang lungsod na susundo sa mga ito subalit kailangan pa rin na magparehistro sa online application ng provincial government sa “balik-Cagayan”.

Para naman sa mga nagnanais na bumalik ng Manila o ang tinawag nilang “alis-Cagayan” na gustong makisabay sa mga susundong bus, kailangan din nilang medical certificate at travel authority.

Nilinaw din ng opisyal na first come, first serve basis ang para sa “alis-Cagayan”.

Iginiit pa ni Pinto na ang mga susunduin ay point-to-point o ibig sabihin, hindi maaaring bumaba sa ibang lugar sa halip Manila-Tuguegarao o Tuguegarao to Manila lang.

Samantala, sinabi ni Pinto na para mamonitor ang mga babalik ng probinsiya na sakay ang mga pribadong sasakyan, makikipag-ugnayan sila sa mga PNP na panggagalingan ng mga pasahero at ibibigay ang listahan sa PNP Cagayan na ibabahagi din sa mga border checkpoints.

Para naman sa mga may katanungan ukol dito, maaari lamang na tumawag sa 09774491544/09774494507/09615496939/.