Inaasahang tataas ang produksiyon ng isda sa bayan ng Pamplona matapos ang paglalagay ng kaunaunahang payao project sa coastal areas nito kasunod ng dalawang araw na pagsasanay sa Payao Design, Construction and Management na ginanap sa Community Fish Landing Center.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Region 2, inorganisa ang nasabing aktibidad bilang bahagi ng mga nakalinyang programa sa pagdiriwang ngayong taon ng Farmers and Fisherfolk Month na naglalayong kilalanin ang mahahalagang papel na ginagampanan ng mga magsasaka at mangingisda bilang backbone sa food security ng bansa.

Dagdag ng BFAR, napatunayan na epektibo bilang fish aggregating device ang payao.

Ang payao ay lumulutang na istraktura na umaakit ng mga isda kung saan mas madali para sa mga mangingisda na mahuli ang mga ito.

Napakahalaga ng mga payao sa pagpapahusay ng productivity, sustainability at economic stability ng fishing activities sa maraming coastal regions particular dito sa Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Nick Ranjo, chief executive officer ng Pamplona na para maging matagumpay ang proyekto ay kailangan ang panahon at pasensiya.

Umaasa siya na ito ay magiging produktibo, lalo na at ito ang unang pagkakataon na i-accommodate ang naturang offshore project mula sa Fisheries Bureau.

Samantala, kinilala ni Provincial Fishery Officer Jennifer Tattao ang suporta ng Local Government Unit at sinabing bukod sa payao project, tatanggap din ang mga mangingisda ng fishing gears na binubuo ng 15 multiple handlines, 15 troll lines, at 18 sets ng gillnets.