Posibleng umabot sa mahigit 400,000 ang bilang ng mga Pilipinong tatamaan ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) pagsapit ng 2030 sakaling hindi mapaigting ang paglaban at tamang pag-iwas sa sakit.
Ito ang iniulat ng Department of Health (DOH) kasabay ng paggunita World AIDS Day ngayong araw.
Sa datos ng DOH, tinatayang aabot sa 215,400 na Pinoy ang posibleng magkaroon ng HIV sa pagtatapos ng 2024.
131,335 sa nasabing bilang ang laboratory confirmed nitong September 2024 habang 88,544 ang isinasailalim sa Antiretroviral Therapy (ART).
Kaugnay nito, mas paiigtingin pa ng health department ang kampanya upang malabanan ang stigma at magkaroon ng kamalayan ang publiko sa pag-iwas sa sakit.
Paalala ng DOH, ugaliin ang regular na testing sa mga primary care facility gaya ng clinic, health center at mobile testing units upang maagapan ang gamutan laban sa sakit.
Hinihikayat din ang publiko na ugaliin ang safe sex at gumamit ng protective condoms upang mabawasan ang exposure sa sakit.