Matutupad na rin ang kahilingan ng mga Overseas Filipino Workers na makita at makausap ang kanilang sinuportahang Presidente sa pagdating ngayong araw ni Pangulong Bong Bong Marcos, Jr. sa Indonesia.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Violy Bulseco, Board of Director ng Alliance of Filipino Overseas Workers sa Indonesia na bagamat maraming mga Pinoy doon na nais makita ang Pangulo sa kanyang kauna-unahang state visit mula nang mahalal ay nasa hanggang 600 OFW lamang ang pinayagang makapasok sa isang 5-star hotel sa Jakarta para sa isang programa na sisimulan mamayang 3:30 ng hapon (oras sa Pilipinas o 2:30 ng hapon sa Indonesia).

Sa katunayan, sinabi ni Bulseco na kahapon pa ito dumating sa kabisera na walong oras na biyahe mula sa Surabaya gamit ang tren masilayan lamang ang Pangulo, kasama nang iba pang mga OFWs.

Aniya, ramdam nila ang pagmamahal ni Marcos sa bayan na makikita sa kanyang mga ginagawa at mga plano para sa bansa.

Samantala, kabilang sa mga nais na marinig ng mga OFWs sa pagbisita ng Pangulo ay ang kasalukuyang estado ng kaso ng kababayan nating si Mary Jane Veloso na nasa death row at kasalukuyang nakakulong sa Indonesia.

-- ADVERTISEMENT --

Taong 2015 nang papatawan na sana ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad si Veloso dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga na aniya ay biktima lamang.

Ipinagpaliban lamang ito nang ipanukala ng namayapa at dating Pangulong Benigno Aquino III na gawin siyang testigo laban sa kanyang mga recruiter na umanoy nanloko sa kanya.

Kabilang naman sa hinaing ng karamihang OFW na nais maiparating sa Pangulo ay ang mabagal na proseso ng Overseas Employment Certificate (OEC) ng mga nagbabalik-manggagawa.