Bawal na simula Marso-1 ngayong taon ang paggamit ng single use plastic sa bayan ng Solana, Cagayan.
Alinsunod ito sa ordinansa na ipinasa ng Sanngunian Bayan noong nakaraang taon.
Ayon kay Vice Mayor Meynard Carag, napapanahon na upang ipatupad ang naturang batas dahil sa malaking volume ng plastic na nakokolekta kung saan ikalawa ang bayan ng Solana na binubuo ng 38 barangay ang may pinakamaraming populasyon sa lalawigan.
Binigyang diin ng bise-alkalde na malaking tulong ang naturang ordinansa upang mapangalagaan ang kapaligiran at maprotektahan sa epekto ng climate change.
Kabilang sa mga ipinagbabawal ay ang pagbebenta o paggamit ng sando bag, palstic malabo, styrofoam, single-use utensils, p;astic cups, plates at iba pang take away packaging.
Kaugnay nito ay hinimok ni Carag ang mga consumers para sa Bring Your Own Bag policy o pagdadala ng sariling eco-bag o bayong kung magtutungo sa mga establishimento at palengke habang paper-based packaging naman ang gagamitin ng mga nagtitinda.
Ang mga mapapatunayang lalabag na mga establisyimento o negosyo ay pagmumultahin ng P500 para sa unang paglabag, P1K sa ikalawa at P2,500 at kanselasyon ng Mayors Permit sa ikatlong paglabag habang sa mga consumers o indibidwal ay P300 sa unang paglabag, P1K sa ikalawa at P2,500 sa ikatlong paglabag.