Ipagbabawal na rin sa Tabuk City, Kalinga ang paggamit ng single use plastic at styrofoam.

Sa ilalim ng Ordinance No. 003 na iniakda ni Councilor Samuel Sumaal, bawal na ang paggamit ng plastic cellophane at mga sando bag bilang packaging at sa mga styrofoam bilang lalagyan ng pagkain at inumin sa lungsod.

Nakasaad sa ordinansa na ang mga mahuhuling lalabag dito ay magmumulta ng P500 at kukumpiskahin ang mga paninda o gamit na plastic sa unang paglabag. P1,000 at kukumpiskahin ang mga paninda o gamit na cellophane sa ikalawang paglabag habang P3,000 at kakanselahin ang business permit o license sa ikatlong paglabag.

Ito ay aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan at magiging epektibo ang naturang ordinansa makalipas ang 15-days matapos itong mailathala sa pahayagan.

Gayunman, may anim na buwan ang mga negosyante para mai-dispose ang kanilang mga panindang plastic o celophane.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang diin ni Sumaal na nangunguna ang mga plastic at Styrofoam sa mga nagdudulot ng polusyon sa tubig at hangin kung kayat kailangan na itong masolusyunan.

Suportado naman ito ni Tabuk City Mayor Darwin Estranero kung saan hinikayat nito ang mga mamimili na ugaliin nang magdala ng sariling lalagyan sa pamamalengke.

Makakatulong din ito para mabawasan ang tone-toneladang basura na itinatapon sa kanilang sanitary landfill.