
Nakahanda na ang mga Coast Guard Stations at Sub-Stations sa Hilagang Luzon na tumugon sa posibleng epekto ng paparating na bagyo na tatawiging Bagyong Bising.
Ayon kay Coast Guard Ensign Ryan Joe Arellano, tagapagsalita ng Coast Guard District Northeastern Luzon, may mga ipinadala nang karagdagang deployable response groups sa mga probinsiyang sakop ng northeastern seaboard ng bansa na inaasahang maapektuhan ng sama ng panahon.
Sinabi ni Arellano na ang pagdaragdag ng pwersa ay upang makatulong sa preemptive evacuation at rescue operations, katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Bukod dito, naka-preposition na rin ang mga search and rescue assets ng PCG para agad na ma-deploy sa oras na makapagtala ng pagbaha o landslide at sa hindi inaasahang insidente sa karagatan.
Patuloy rin aniya nilang pinapaalalahanan ang mga manlalayag at mangingisda na tumutok sa pinakahuling lagay ng panahon para maiwasan ang anumang aksidente sa karagatan.
Dagdag pa ni Arellano na regular na ang ginagawa nilang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan na maaaring daanan ng naturang sama ng panahon upang agad makatugon oras na kailanganin ng mga LGU ang tulong.
Samantala, sa mga susunod na oras ay posibleng maging bagyo na ang low pressure sa silangan ng Tuguegarao at tatawagin itong “Bising.”
Dahil malapit ito sa lupa, posibleng magtaas ng wind signal no. 1 sa ilang bahagi ng Northern Luzon kung saan inaasahang patuloy na mararanasan ang mga pag-ulan hanggang bukas ng hapon.