Dismayado ang grupong Bantay Bigas sa kapabayaan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa sektor ng agrikultura sa kanyang ikalawang taon sa Malacanang.
Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng nabanggit na grupo, sa halip na patatagin ang lokal na produksyon ng mga magsasaka ay mas pinaboran ni Marcos ang importation kaya tanging ang mayayamang importers ang nakikinabang.
Sa loob aniya ng dalawang taon ay bigo ang pamahalaan na resolbahin ang nararansang krisis sa pagkain dahil sa mga maling polisiya at hindi maayos na programang pang-agrikultura ng administrasyon Marcos.
Inihalimbawa ni Estavillo ang inilabas na Executive Order 62 na nagpababa sa taripa sa imported rice na magiging dahilan ng pagbaha ng imported na bigas sa merkado na magpapalugi naman sa lokal na magsasaka dahil sa posibleng bumaba ng hanggang P7 kada kilo ng palay.
Hiling ng grupo na gawing prayoridad ang sektor ng agrikultura para makamit ang P20 per kilo na bigas na campaign promise ni Marcos.