Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III ang pagsasailalim sa mga pulis sa isang special physical fitness program.

Ayon kay Torre, partikular ito para sa mga mobile force personnel na may “broken-hour” shift mula 8 a.m. hanggang 5 p.m.

Gayunman, hindi kabilang ang mga frontline patrol personnel sa nasabing programa.

Ipinunto ni Torre, kailangang makapasa ang lahat ng pulis sa Physical Fitness Test at magkaroon ng normal na Body Mass Index.

Tinukoy ni Torre ang Republic Act 9675 o ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Act, na nagsasaad na ang isang aplikante sa PNP ay dapat may timbang na hindi lalampas o kulang ng limang kilo batay sa standard weight na naaayon sa kanyang taas, edad, at kasarian.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ni Torre kanyang ilalaan ang Martes at Huwebes, mula 3 p.m pataas para sa kanilang napiling physical fitness activity.

Gayunpaman, iginiit ni Torre na ang programang ito ay may kalakip na inaasahang pagpasa sa mandatory physical fitness test ng PNP.

Nagbabala rin ito sa mga mangangasiwa ng pagsusuri na dapat tapat sa pagsusumite ng resulta.

Una nang sinabi ni Torre na maaaring hindi ma-promote o makakuha ng anumang schooling ang isang pulis hangga’t hindi naipapasa ang physical fitness requirements.