Hindi isinasantabi ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na gawing state witness ang ilang pulis na nasa ilalim ng restrictive custody kaugnay sa kaso ng missing sabungeros.
Ayon kay PNP Chief PGen. Nicolas Torre III, hindi muna siya maglalabas ng detalye hinggil sa status ng mga pulis pero isa ito sa mga direksyong pwedeng tahakin.
Sinabi pa ni Torre na kung may ilan sa mga ito ang boluntaryong aamin o magdesisyong magsalita, malaking bagay ito para sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Samantala, ayon naman kay National Police Commission Vice Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan, nakatanggap na sila ng mga feeler mula sa iba’t ibang indibidwal na may kaugnayan sa kaso.
Sa kasalukuyan, may 15 pulis na nasa ilalim ng restrictive custody sa Camp Crame, dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagdukot sa mga sabungero base sa mga sinabi ng whistleblower at co-accused na si Julie “Dondon” Patidongan alyas Totoy.
Ang mga naturang pulis ay nakatalaga sa support units, regional units, at area police command kung saan isa sa kanila ay malapit nang magretiro habang tatlo na ang na-dismiss sa serbisyo.
Noong Enero 2023 pa lamang, pito sa mga nasangkot na pulis ay nauna nang sinibak sa serbisyo.
Samantala, sinabi pa ni Gen. Torre na iniimbestigahan na rin ang iba pang mga lugar na posibleng pinagtapunan ng mga bangkay.
Aniya, may ilang lugar na silang binisita hindi lang sa Laguna at Batangas, kundi pati na rin sa ibang bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lugar.
Ani Torre, may impormasyon silang natanggap na ilang sabungero ang di umano’y sinunog ng mga suspek.