Pinawalang-sala ng korte sa Manila si Davao City Police Col. Hansel Marantan at 11 iba pang police officers sa kasong multiple murder sa kanilang pagkakasangkot sa kontrobersyal na operasyon sa Atimonan, Quezon na nagresulta sa pagkamatay ng 13 katao noong 2013.

Ang desisyon ni Presiding Judge Teresa Patrimonio-Soriaso ng Manila Regional Trial Court Branch 27 sa mga akusado at base sa “justifying circumstance of fulfillment of duty.”

Ayon kay Patrimonio-Soriaso, ang panganib sa buhay ng mga pulis at mga sundalo sa shooting incident ay “actual and imminent” kaya makatuwiran ang paggamit ng puwersa ng mga operatiba para tugunan ang agression.

Ipinunto ng judge na nagtamo ng matinding injury si Marantan sa pamamaril, na nagpapatunay na may intensyon ang mga sangkot na manakit na maituturing na “unlawful aggresion.”

Kinasuhan ang 13 police officers, na itinalaga noon sa Police Regional Office 4-A noong March 13 ng multiple murder dahil sa pagpatay kay suspected gambling lord Vic Siman at sa kanyang 12 kasamahan sa shootout noong January 6, 2013.

-- ADVERTISEMENT --

Si Marantan ang deputy intelligence chief of the PRO 4-A sa nasabing panahon, ang team leader ng joint police at military team na nagmando sa checkpoint sa Maharlika Highway sa Atimonan.

Sinabi ng army officers, tinangka ng dalawang SUVs na lulan si Siman at kanyang mga kasamahan na banggahin ang checkpoint, na nagbunsod ng labanan na nagtagal umano ng 18 minuto.

Ipinagtanggol ng National Police ang operasyon, at sinabing ito ay lehitimo.

Sinabi pa ni Marantan na ang mga namatay na mga suspek ay mga miyembro ng gambling at gun-for-hire syndicate.

Subalit lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation na “rubout” ang nangyari, dahil wala umanong oportunidad ang mga biktima na gumanti.

Gayunpaman, ibinasura ng Department of Justice ang reklamo laban kay dating Calabarzon police chief Supt. James Andres Melad at 11 pang sundalo dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Sinabi ng DOJ na batay sa ebidensiya, si Marantan at 12 pulis, maliban kay Melad ay pinaputukan si Siman at ang kanyang grupo.

Noong April 2014, ipinag-utos ang dismissal ng mga pulis maliban kay Melad ng PNP dahil sa kanilang pagkakasangkot sa shootout.

Pinayagan si Marantan at 10 na iba pang akusado na magpiyansa noong March 2017.

Bumalik si Marantan at iba pa sa serbisyo sa PNP matapos na pinagbigyan ng National Police Commission ang kanilang apela.