Ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) ang masusing imbestigasyon sa kuhang video na viral ngayon online na pananakit ng mga pulis sa kanilang kliyente sa Pasuquin Police Station na nagdulot ng matinding galit at pagkabahala sa publiko sa naturang bayan sa Ilocos Norte.
Tiniyak din ng PNP na mananagot ang sinumang mapapapatunayang lumabag sa kanilang mga panuntunan.
Ayon sa PNP, sinisiguro nila na magiging transparent ang gagawing imbestigasyon.
Ang video ay nagpapakita ng mga pulis mula sa Pasuquin Police Station na umano’y gumagamit ng dahas laban sa mga indibidwal sa loob mismo ng kanilang istasyon.
Naganap ang insidente noong Marso 29, nang magtungo sa istasyon ang isang pamilya upang maghain ng reklamo kaugnay sa brutal na pag-atake sa kanilang stepfather.
Sa halip na matulungan, sila umano ay nakaranas ng karagdagang karahasan mula sa mga pulis.
Makikita sa video ang mga pulis na sinisipa ang nasabing stepfather, na noo’y may iniinda nang sugat mula sa naunang pag-atake.
Nang subukang awatin ng mga bystander ang kaguluhan, binugbug din umano sila ng mga pulis.
Isang pulis pa ang itinutok ang baril sa isang menor de edad na nagmamakaawa sa kanyang ama na huwag lumaban.
Bukod pa rito, iniulat din ng pamilya na walang mandamyento o warrant na isinilbi sa pag-aresto ng kanilang mga kasamahan, kabilang ang isang 14-anyos na menor de edad, na umano’y ikinulong nang walang sapat na dahilan.
Ayon sa PNP, nag-ugat umano ang insidente sa pagiging magulo ng nagreklamo.