Matapos ang ilang dekada na pag-aaral, nakagawa ang University of the Philippines Manila (UPM) researchers ng medicinal tablet na gawa mula sa ampalaya, para sa panggagamot ng Type 2 diabetes.

Nag-focus ang research teams ng Institute of Herbal Medicine (IHM) of the National Institutes of Health (NIH) sa UPM sa powdered na dahon ng ampalaya, na nakitaan na nakakapagpababa ng blood sugar levels.

Ang ampalaya ay mayaman sa bioactive compounds, kabilang ang polypeptide-p, isang protina na kapareho ng insulin na inilalabas ng pancreas o lapay, na nagpapababa ng glucose level sa ating katawan.

Sinabi ni professor Daisy-Mae Bagaoisan, pharmacist at research assistant professor sa NIH-IHM, ang kanilang pag-aaral, nartuklasan nila na ang ampalaya tablet ay nakakapagpababa ng blood sugar levels, na maikukumpara sa gamot na glibenclamide.

Ayon sa kanya, dumaan ito sa mahigpit na clinical trials at natuklasan na naging epektibo ito sa fasting plasma glucose sa ikatlong linggo ng panggagamot at napababa nito ang glycosylated hemoglobin sa loob ng 12 linggo.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa niya na ang ginawa nilang ampalaya tablet ay ligtas, at walang nakitang side effects.

Sinabi ni Bagaoisan, ginawa ang ampalaya tablet batay sa guidelines ng World Health Organization (WHO) at maaaring iimbak ito sa room temperature ng hanggang isa at kalahating taon.

Ayon sa kanya na maaaring inumin ito ng mga naghahanap ng herbal remedy na walang side effects.

Sinabi pa niya na hindi tulad ng ibang produkto sa merkado na may nakalagay sa label na “without therapeutic claims,” ang ampalaya tablet ay may therapeutic effect sa blood sugar levels.

Ayon sa kanya, ang kanilang pananaliksik sa ampalaya tablet ay nag-aalok ng natural alternative na makakatulong sa mga nagpapagamot ng kanilang diabetes.

Noong 2021, tinatayang 4.3 million Filipinos ang na-diagnose na may diabetes, habang 2.8 million ang hindi pa nagpapatingin sa mga doktor.

Ang diabetes ang pangunahing dahilan ng maaaring maiwasan na pagkabulag at sakit sa bato.