Iba’t ibang mga mukha ng mga makabagong bayani sa kasalukuyang henerasyon.
Iba’t ibang mga pamamaraan ng pag-aabot ng kamay sa mga nangangailangan.
Ano man ang sitwasyon, karaniwan nang makikita ang makabagong Jose Rizal, o di kaya’y Gabriela Silang.
Dahil sa kabila ng pagkilala natin sa mga dati at bagong bayani ng ating bansa, mayroon pala tayong nakaliligtaan.
Alam niyo ba na bukod sa mga organic members ng Philippine National Police at sa Armed Forces of the Philppines, ay mayroong anino ang hindi napapansin at tahimik na iniaalay ang buhay sa para sa kanilang mga kababayan at inang bayan?
Sila ang ating mga reservist.
Sinu-sino nga ba ang ating mga tinatawag na mga reservist?
Gaano kalaki ang kanilang maiaambag na tulong sa ating bansa?
Paano nga ba nila magagawang maprotektahan ang Pilipinas?
Hanggang saan ang kanilang aabutin sa pagbibigay ng serbisyo sa mga Pilipino?
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Col. Johnson Jemar Aseron, Group Commander ng 2nd Regional Community Defense Group,ang sino mang mga estudyanteng sumailalim sa ROTC ay otomatiko ng reservist.
Maaari ring maging isang reservist ang mga kwalipikadong sibilyan mula naman sa pampribado o pampublikong sektor.
Kasali rin dito ang mga retiradong opisyal mula sa hanay ng AFP.
Mayroon ding tatlong kategorya na maaaring kapalooban ng isang reservist.
Ang mga Ready Reserve, Standby Reserve at ang Retire Reserve.
Narito ang naging pagpapaliwanag ni Col. Aseron
Ngayon buwan ng Abril, ipinagdiriwang ang ika-40 taon ng National Reservist.
Sa ilalim ng Republic Act 7077, inaatasan ang mga reservist na maging dagdag pwersa ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas sa oras ng digmaan, rebellion o kalamidad.
Dahil dito, sinasanay ang mga reservists sa mga isinasagawang rescue and relief operations at pakikipagdigma.
Ito ay para sa kanilang kahandaan sa pagharap sa hamon ng isang pagiging reservist.
Ayon naman kay Lt. Col. Fredie Corsino, battalion commander ng Ready Reserve sa probinsya ng Cagayan at aktibong empleado rin Department of Agriculture o DA Region 02, noon pa may pinangarap na umano niyang maging organikong miyembro ng Philippine Army ngunit bigo siyang nakapasok dahil na rin sa ilang mga sirkumstansya na kanyang pinagdaanan.
Hanggang sa kanyang napatunayan na nakatakda talaga siyang magsilbi sa bayan bilang isang reservist apat na taon na ang nakalilipas.
Aniya, hindi rin matatawaran ang pakiramdam na makatulong sa mga nangangailangan lalong lalo na sa mga magsasaka kung titingnan dito ang direkta niyang ugnayan bilanag kawani ng gobyerno at alagad ng bansa.
Ayon naman kay Sgt Aurelio Bitamog, isa ring aktibong kawani ng DA Region 02, sa loob ng kanyan halos 11 panunungkulan bilang isang reservist, hindi umano mapapantayan ng anumang pakiramdam ang pagtulong sa kapwa.
Kakaibang tuwa rin umano ang kanyang nararamdaman sa panahon o mga pagkakataon na siya ay nakapag-aabot ng tulong lalong lalo na pagdating sa kanyang mga kababayan sa munisipalidad ng Alcala.
Sinabi ni Sgt Lilybeth Asuncion, isang estudyante, na pangarap niyang pumasok sa hanay ng Philippine Military.
Inspirasyon niya umano rito ang kanyang ama na isang sundalo.
Aniya, ang pagiging reservist ang kanyang daan sa pagtupad ng kanyang pangarap kasabay ng kanyang pagtulong sa kapwa sa panahon naman ng kalamidad.
Nakamamangha ang mga taong tumutulong ng bukal sa kanilang kalooban ng walang hinihintay na kapalit.
Sinabi pa ni Col. Johnson Aseron, wala namang natatanggap na kahit na magkanong halaga ang mga reservist maliban na lamang sa kaalaman na kanilang naibabahagi sa pagsagip ng buhay.
Aniya, ito lamang ay sapat na para sakanilang mga reservists na patunay umano na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nawawala ang esensya ng bayanihan at tunay na pagmamalasakit sa kapwa.
Hindi na kinakailangan pang magkaroon ng pambihirang kapangyarihan upang maging bayani.
Ang sapat na pagmamalasakit at tunay na kabutihang loob sa mga nangangailangan at sa kapwa ay siyang higit pa sa superpower na taglay ng mga superheroes.
Katangitangi ang boluntaryong pagtulong ng mga reservists.
Walang sahod o kahit man lang allowance, pero wala namang maririnig na reklamo.
Sakanilang pagdiriwang ng kanilang ika-40 taon, sanay maibigay ang pagpupugay sa ating mga reservists.
Ang pagkilala sa kanilang pagkawang gawa!/ROSE ANN BALLAD