TUGUEGARAO CITY- Binigyan diin ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan na aarmasan niya ang mga residente ng Fuga Island sa Aparri, Cagayan kung papaaalisin ang mga ito.
Reaksion ito ni Mamba sa plano ng Chinese investors na gawing “Smart City” ang isla.
Nilinaw ni Mamba na hindi siya tutol sa development ng isla , subalit kailangan na manatili ang mga residente ng Fuga na nasa mahigit 2,000.
Ayon sa kanya, dapat na maging bahagi ng development sa isla ang mga residente.
Idinagdag pa ni Mamba na mga squatters ang mga residente ng Fuga dahil sa privately owned ng Burgundy Corporation.
Subalit, sinabi niya na hindi naman buong isla ay pag-aari ng nasabing corporation.
Idinagdag pa ni Mamba na sinisikap naman nilang matulungan ang mga ito subalit hindi sila makagalaw dahil sa kontrolado ito ng may-ari.
Sa kabila nito, sinabi niya na may ibinigay na silang resolusyon sa Department of Agrarian Reform upang mai-award sa mga residente ang kanilang mga lupa na matagal na nilang tinitirhan.
Ang nasabing proyekto ay bahagi lamang ng 19 business deals na nilagdaan noong bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa China noong buwan ng Abril.