Nagkakaroon umano ngayon ng ‘panic’ at kaguluhan sa schedule ng trabaho at iba pang aktibidad sa South Africa matapos ma-detect ang Omicron variant ng COVID-19 sa naturang bansa.
Ayon kay Sheba Buagas Padayhag, missionary sa South Africa, hinihintay ngayon ang anunsyo ng African Government sa mga ilalatag na panuntunan sa pagkalat ng virus.
Batay aniya sa huling balita sa kanilang probinsya ay umaabot na umano sa 50 cases ang tinamaan ng bagong variant at labis din itong pinangangambahan ng African Government na maaaring magdulot ng 4th wave.
Labis umanong ikinagulat ng publiko ang pagkakatukoy ng Omicron variant sa naturang bansa dahil bumubuti na ang kaso ng COVID-19 sa lugar sa nakalipas na buwan at niluwagan na sa alert level one ang status sa South Africa.
Sinabi niya na sa huling datos ng kagawaran ng kalusugan sa South Africa ay bumaba nalamang sa 3,220 ang active cases habang walo nalang ang nasawi.
Gayonman, naniniwala aniya sila na hindi south african variant ang naturang virus at nangyaring mabilis lamang itong natukoy ng mga syientista sa lugar dahil mayroon din namang na-detect na kahalintulad na variant sa iba pang mga bansa.
Kaugnay nito ay labis din umano ang pagkabahala ng mga pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa lugar dahil sa implimentasyon ng travel ban dahil maaaring hindi sila makauwi ngayong Disyembre dahil sa restrictions.
Sa ngayon ay binibilisan umano ang pag-arangkada ng vaccination rollout sa South Africa dahil naniniwala sila na ito ay makatutulong upang protektahan ang kanilang kalusugan laban sa virus.
Sa huling datos na ibinahagi ni Padayhag, umabot na umano sa 25,238,789 ang bilang ng mga nabakunahan na sa naturang bansa at hindi pa kasama dito ang bilang ng mga kabataan.